Lunes, Disyembre 12, 2016

Tinuruan niya ako.

Isang gabi, nakatambay ako sa labas ng 7/11, hinihintay ko yung kasama kong kakain ng lugaw. may isang batang babae ang lumapit sa akin.
"Ate, bili ka na ng pastilyas"
"magkano isang balot?"
"20 po."
"Sige, pabili ako."
Kahit namamahalan ako, bumili parin ako.
Pinagmasdan ko ang btang babae. Medyong marungis ang damit, kayumanggi at kulot ang buhok. Ang kanyang suot ay kamisetang puti at maikling short. Napaisip ako, hndi kaya siya nilalamig? Naulan pa man in at ako nga kahit nakajacket na nilalamig pa rin.
May lumapit pang 2 batang lalaki at may dalang plastik ng yelo na may lamang mga barya. Ah, siguro isa sila sa mga batang nangangaruling sa mga sasakyan. At dahil medyo nacurios ako sa kanila, ininterview ko mna sila habang naghihintay sa kasama ko.
Grade 6 na pala siya samantalang yung isang batang lalaki na kasama niya ay Grade 1. Siyam silang magkakapatid, panlima siya, yung isang ate niya ay naglalako rin ng pastilyas. Pangarap daw niyang maging isang pulis pero sabi ko dapat ay magpatangkad muna siya. Tumawa siya at tumawa rin ako.
Tinanong ko siya kung bakit siya nagtitinda at nangangaruling. Ang sabi niya para raw yun sa ambagan sa Christmas Party, 150 daw yung sa kanyang at 103 sa kanyang kapatid. Tinanong ko siya kung nasaan ang kanilang mga magulang. Wala raw trabaho ang kanyang nanay samantalang hindi na niya nasabi ang trabaho ng kanyang tatay dahil biglang dumating ang kasama ko.
Sa maikling oras na kausap ko siya may mga bagay akong napagtantu.
Naalala ko noong bata pa ako, lagi akong naiinggit sa mga kaklase ko sa tuwing may bago silang gamit o damit. Tuwing Christmas party, never kong naranasang magbaon ng pagkain na galing sa Jollibee. Tanging pagkain ko lang ay spaghetti na naglalangoy sa ketchup at may kaonting cornbeef. May kasama ring sandwich na ang palamanan ay Cheez Whiz unlike sa iba na hamburger. Ang inumin ay Zest-O o C2 kung sinuswerte. Sobrang inggit ako sa kanila. Pag pasukan, pinipilit ko sina nanay na ibili ako ng bag na de gulong at mga notebook na ang cover ay mga cartoon character at ang kulay ng papel ay mapuputi hindi brown. Sobrang inggit ko sa iba. Never din akong nagkaroon ng magagarang laruan like barbie doll, ang mayroon lang ako ay teks, holen, tao-tauhan at Yu-Gi-Oh. Gusto ko rin noong yung sapatos na may gulong kasi ang ganda-ganda pero never akong binili nina nanay nun. Sa musmus kong pag-iisip, agad tumatak sa aking isipan ang salitang "MALAS". Hindi ako maswerte dahil wala sa aking ang mga bagay na gusto ko. Hindi ko nakakain ang mga pagkain na gusto kong makain.
Pero sa maikling oras na pakikipag-usap ko sa batang babae doon ako natauhan at nalinawan. Hindi ako malas. Maswerte ako. Soooooooobrang swerte ko.  Hindi ko kailangang maglako ng pastilyas o ng kahit ano para lang kumita ng perang pambili ng panregalo, damit o pagkain. Hindi ko na kailangang magmakaawa sa ibang tao ng pera para lang may pambaon. Maswerte ako dahil taon-taon bago ang mga gamit ko sa paaralan. Hindi ko kailangang gamitin ang mga pinaglumaang notebook o bag. Maswerte ako dahil may oras pa ako para maglaro. Maswerte ako dahil hindi ako nahirapan noon hindi katulad ng batang babae. At higit sa lahat maswerte ako dahil may magulang akong handang ibigay ang mga bagay na kailangan ko.
Sa maikling usapan namin doon niya ipinamuka sa aking ang salitang KONTENTO. Oo, guro ako pero tinuruan ako ng isang batang babae kung paano maging kontento sa kung anong mayroon ako. Tinuruan niya akong i-appreciate ang mga bagay na mayroon ako. 
Salamat sa'yo, sana matupad ang pangarap mong maging pulis.
 ðŸ˜Š





Huwebes, Disyembre 1, 2016

K-pop: Ang Pagtangkilik at Epekto ng Musika ng mga Koreano sa mga Pilipino.

Isa sa mga libangan ng mga Pilipino ay ang kumanta. Mapatagalog, Ingles o kahit anong lenggwahe pa iyan basta’t nagustuhan nila asahan mo’t kankantahin nila ito kahit hindi nauunawaan ang liriko. Maliban sa mga awiting Pilipino marami pa ring mga awitin na nagmula sa iba’t ibang bansa ang mas tinatangkilik ng mga Pilipino lalong-lalo na ang mga kabataan sa panahon ngayon. Nandiyan ang A-pop (American Pop Music), J-pop (Japan Pop Music) at higit sa lahat ang K-pop (Korean Pop Music). Ang K-pop ay mga awiting nagmula sa bansang Korea partikular sa bahaging Timog ng Korea. Dahil sa likas na hilig ng mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng awitin madaling nakuha ng K-Pop ang atensyon ng mga kabataang Pilipino. Karamihan sa mga nahuhumaling dito ay pauli-ulit na pinapanuod o pinapatugtog ang mga music videos ng kanilang mga iniidolo. Ilan sa mga mangangawit at mananayaw na tinatangkilik at hinahangaan ng mga Pilipino lalong-lalo na ng mga kabataan ay ang Girls’ Generation, Super Junior, Exo, Shinee, Sistar, 2pm, 2am, 4minute, Big Bang at 2ne1 na kung saan kabilang si Sandara Park na may dugong Pilipino. Gumagastos ng malaki ang mga fan ng bawat K-pop group para lang makabili ng mga album ng kanilang idolo o hindi naman ay tiket kung may gagawing pagtatanghal ang kanilang idolo sa bansa. Ngunit hindi lang sa pagbili ng mga album at tiket natatapos ang pagtangkilik ng mga Pinoy sa K-Pop, may ibang fan ang bumubili ng mga damit, kuwentas, singsing, pamaypay, posters, notebooks, sticker at iba’t ibang produkto na may imahe o kinalalaman sa kanilang idolo. Dahil din sa K-pop unti-unting nakikilala sa Pilipinas ang wika ng mga Koreano. May mga K-Pop fan ang nag-aaral magsalita ng wikang Koreano para maunawaan nila ang liriko ng isang awitin. Marami din ang gumagaya sa pananamit at hairstyle ng kanilang mga K-Pop idol. Nagsusuot sila ng mga damit at nagpapakulay ng buhok na katulad sa kanilang mga idolo ngunit hindi naman bagay sa kanila. Ang mga ito ay isang patunay kung gaano kasikat ang K-Pop sa ating bansa. Ngunit paano nga ba sumikat o nakilala ang K-Pop sa ating bansa? Ano ang dahilan ng mga Pilipino kung bakit nila ito tinatangkilik? Ano ang maaring maging epekto ng K-Pop sa awiting Pilipino?
            Mapabata o matanda ay napapaindak sa tuwing pinapatugtog ang tinaguriang World Phenomena Music na Gangnam Style na inawit at pinasikat ng isang Koreanong manganganta na si Psy. Sa bawat okasyon hindi mawawala ang kantang ito. Ang mala-horse riding step, nakakaindak na tugtog at madaling steps ng kanta ang naging dahilan kung bakit ito nagustuhan ng mga tao. Ngunit bago pa man makilala ang Gangnam Style sa bansa ay may iba’t ibang kantang Koreano na ang nauna pa dito. Paano nga ba nakilala ang mga awiting Koreano sa ating bansa? Ayon sa ibang mga K-Pop fans na kakilala ko sa social networking sites na facebook, nakilala daw ang K-Pop dahil sa mga Korean Novela o Drama na pinapalabas sa iba’t ibang istasyon sa ating bansa, dahil dito mas lumawak ang kaalaman ng mga Pinoy sa kultura ng mga Koreano at ito din ang naging daan para makilala ang kanilang musika. May mga nagsabi din naman na dahil sa pagsikat at pagsali ni Sandara Park sa isang grupo ng mga kakabaihan sa Korea na kilala sa tawag na 2ne1. Taong 2003 na nagsimulang magpalabas ng mga Asianovela na kalimitan ay galing sa Korea, kasabay din nito ay ang pagsulpot ng mga awiting Koreano tulad ng ‘Because I’m A Girl’ ng grupong KISS, nasundan pa ito ng mas matatandaan nating awitin na‘Answer The Phone’ ni si Shim Mina, ang awiting ito ay madalas magamit sa mga programa sa paaralan at sa kahit anong sayawan noon dito sa bansa. Ngunit hindi pa naman ganun kasakit ang K-pop dahil sa mga banyagang manganganta katulad nila Britney Spears, Avril Lavigne at mga banda kagaya ng Goo Goo Dolls at Linkin Park. Subalit sa paglipas ng panahon unti-unting nakikilala ng mga Pilipino ang K-Pop. Nariyan si Rain na sinasabing unang Koreano na minahal ng mga Pilipino. Hanggang sa dumating ang taong 2009 na sinasabing ang pagsilang ng K-Pop sa bansa. Sa panahong ito ganap na nakilala ng mga Pinoy ang K-pop dahil sa awiting ‘Nobody’ ng grupo Wonder Girls na naging patok sa mga Pilipino lalo na sa mga kabataan. At ang pagsulpot ng kantang ‘Fire’ at ‘I don’t care’ na kinanta ng grupong 2ne1 na kung saan kabilang ang pambansang krungkrung na si Sandara Park. Simula noon nagsunod-sunod na ang pagsulpot ng iba’t ibang K-Pop group sa bansa at hindi na mawawala sa music chart ng MYX ang mga awiting Koreano na kung minsan ay nangunguna pa sa listahan. Maraming mga K-Pop group ang pumupunta sa bansa para magtanghal, nariyan ang Super Junior na limang beses nagtanghal sa bansa, ang Dream K-Pop Fantasy Concert na isinagawa noong isang taon taon na kung saan dinaluhan ng anim na K-Pop group na nagpatili sa mga Pilipino.
            Sa madaling salita ang K-Pop ay nagsimula sa bansa dahil sa pagpapalabas ng mga Korean drama sa telebisyon, mga music video ng mga K-pop group sa MYX at maaaring dahil na din sa ibang Pinoy na gumagawa ng pangalan sa industriya ng musika sa bansang Korea.
            “Sa oras na naging K-Pop fan ka mahirap na itong talikuran.” Ito ang sinabi sa akin ng aking kakilalang kapwa K-pop fan. Aminado akong mahirap nang makawala o talikuran ang pagiging isang K-pop fan dahil ako mismo kahit anong pilit kong tigilan ang panunuod at pakikinig ng mga K-pop music ay hindi ko magawa, para itong sakit na HIV Aids, walang lunas o gamot. Ngunit paano nga ba nagiging K-pop ang isang tao? Sa aking kaso ang dahilan kung bakit ako nahumaling at tinangkilik ang K-pop ay dahil sa isang K-Pop girl group na Girls’ Generation. Unang beses ko pa lang silang napanuod sa telebisyon na kumakanta habang nagsasayaw ay nahumaling na agad ako sa kanila. Humanga ako sa kanila dahil sa galing nilang sumayaw, kumanta at siyempre dahil sa kanilang magaganda mukha at hugis ng katawan. Magmula noon naging adik na ako sa kanila at sa K-Pop. Walang araw ang hindi ko pinapatugtog ang kanilang awitin at pinapanuod ang kanilang music video. Walang araw ang hindi ko tinitingnan ang kanilang mga litrato. Nagsimula na din akong mangolekta ng mga album nila at iba’t ibang produkto na may kinalalaman sa kanila. At sa tuwing gagamit ako ng internet ang una kong ginagawa ay ang maghanap ng mga bagong balita tungkol sa kanila at sa K-Pop p hindi naman kaya ay mag-download ng mga K-pop songs, videos o shows. Iisa lang ang ibig sabihin nito ako ay isa na sa libo-libong tao na nahuhumaling sa K-Pop.
            May mga dahilan ang bawat K-Pop fan kung bakit nila ito tinatangkilik. Sang ayon sa kay Sablan sa kanyang artikulo sa Philippine Daily Inquirer na sinipi naman ni Alanzalon sa kanyang pag-aaral, sinasabi na ang buong mundo ay humahanga at tumatangkilik sa K-Pop. Ang pinakapopular ngayon ay ang mga grupo ng mga kalalakihan at kababaihan sa Korea na may magagandang mukha, hugis ng katawan, talentado, stylish pagdating sa pananamit at magaling mag-entertain ng mga tao. Naniniwala ako na bago magustuhan ang isang K-Pop music, ang una munang tinitingnan ng mga tao ay kung sino ang kumanta ng isang awitin. Kung maganda o gwapo ang manganganta hindi malabong madami ang magkagusto sa kanyang awitin. Sa mundo ng K-Pop mahalaga ang pisikal na anyo bago ang talento. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ganun ang nangyayari minsan kahit hindi natin kilala ang manganganta basta nagustuhan mo ang tono at ang paraan ng kanyang pag-awit ay naaadik na tayo dito. Katulad na lang sa mga OST o ang mga theme song ng bawat Korean drama na pinalalabas sa bansa, may mga awitin doon na tumatatak sa ating isipan at nagiging paborito natin. Ang isang maganda halimbawa nito ay ang awiting ‘Almost Paradise’ na naging theme song ng Korean Drama na Boys Over Flower na sikat na sikat noon. Tanda ko pa noon sa aming paaralan na halos lahat ng mga estudyante doon ay alam ang awiting ito. May iba pa nga na kinakanta ito kahit mali naman ang lyrics. Hindi man alam ang liriko basta’t alam ang tono paniguradong pauli-ulit itong kakantahin kahit ito ay mali- mali. Ang sabi nga ng iba hindi mahalaga kung hindi nauunawaan ang liriko ang mahalaga ay nagustuhan nila ito. At katwiran pa ng iba may makikita naman silang English translation nito. May iba naming isinasalin sa wikang Ingles o Filipino ang isang awiting Koreano nang sa gayun ay lubusan itong maunawaan ng mga Pilipino.
            Hindi man lubos na nauunawaan ang liriko hindi naman ito naging hadlang para makilala ang K-pop sa buong Asya at sa ibang kontinente. Pero bakit nga ba ito tinatangkilik ng mga Pilipino at ng mga tao sa buong mundo? Ayon sa aking nabasang artikulo na sinulat ni Janyx sa sa kanyang blogspot, may tatlong dahil kung bakit patuloy na tinatangkilik ng mga tao ang K-pop. Ang una nga rito ay madaling matandaan ang mga kanta nila dahil may stratehiyang ginagamit ang mga Korean musical composers lalo na sa mga pop songs nila. Nilalagyan nila ito ng mga elementong madaling masasabayan ang melodiya at ritmo. May ilang K-pop music ang madaling sabayan dahil ang ilang liriko dito ay paulit-ulit lang at madaling tandaan o hindi naman ay nakasulat sa wikang Ingles. Katulad na lang sa kantang Gee ng Girls’ Generation na paulit-ulit lang ang chorus at ang mga salitang Gee, Baby at No, ganun din sa kantang Gangnam Style na paulit-ulit binanggit ang mga salitang Oppa Gangnam Style at Oh, sexy lady. Ayon pa sa pahayag ni Immortalsoul123 sa kanyang isang website sinabi niya na bagamat hindi naiintidihan ang lyrics ng mga awiting K-pop pero sulit naman itong pakinggan dahil sa maraming mga unique themes at wholesome lyrics. Kompara sa mga awiting nagmula sa America na kalimitan ang tema ng awtin ay tungkol sa sex, drugs or alcohol na kung minsan ay hindi maganda para sa mga kabataan.
            Ang pangalawan naman ay ang pisikal na anyo ng mga K-pop artist. Masusi ang screening at auditions ng mga Koreano para maging miyembro ng isang K-pop group. Bukod sa talento, ang isa sa mga mahalagang requirement ng mga star companies management ay maganda’t gwapong mukha at magandang hugis ng katawan. Kaya naman kahit saang lupalop ng mundo pumunta ay pinagtitilian sila ng mga tao. Ayon din sa mga K-pop fan na aking tinanung sa pamamagitan ng facebook, sinabi nila na ang unang daahilan nila sa tinatangkilik ng K-pop ay dahil sa magaganda at gwapo ang mga K-pop artist. Ang ganda daw kasi nilang panuorin habang sumasayaw at kumakanta, napapaindak at napapakanta din daw sila. Ang pisikal na anyo ng mga K-pop artist ay isang mahalagang salik kung bakit madaming tao ang tumatangkilik sa K-pop.
            At ang panghuli ay kakaibang fashion at hair style ng mga K-pop artist. Sa tuwing nanunuod ako ng mga music video ng mga paborito kong K-pop group una kong napapansin ay ang kakaiba nilang mga suot na damit at ang makukulay nilang buhok. Masasabi kong ang astig nilang tingnan at parang kahit anong klaseng damit ang suotin nila at kahit anong kulay ng buhok mayroon sila ay ang ganda at gwapo parin nilang tingnan.
            Sa sobrang kasikatan ng mga K-pop groups sa bansa gumagawa ng mga fanpage ang mga fans ng bawat grupo para makipagkomunikasyon sa kapwa fans nila. May ilan din gumagawa ng mga meeting events na kung saan nagtitipon-tipon ang mga tagahanga ng bawat grupo para makilala at makisalamuha ang iba pang mga fans na nagmula sa ibang lugar at para ipagdiwang anibersaryo ng isang grupo. Gumagastos ng sobrang laki ang mga fans para lang makabili ng latest album ng kanilang idolo o hindi naman ay makapunta sa concert. May ilang pumupunta pa sa Korea para lang masilayan ng personal ang kanilang iniidolo.
            Malaki ang naging impluwensya ng K-pop sa industriya ng musika sa Pilipinas. Kung mapapansin natin ngayon may mga nagsusulputan na ding mga grupo ng kalalakihan at kababaihan sa bansa na sumasayaw habang kumakanta. Ang isang magandang halimbawa nito ay ang Gimme 5 at ang Chichers na pawang parehong boy group. Ang paraang ng pananamit at porma nila ay parang katulad ng sa mga K-pop group. Noon hindi pa uso ang pagbuo ng mga grupo pero simula nang dumating ang K-pop sa bansa, nagsimula nang buo ng mga boy o girl group ang mga entertainment company sa bansa.
            Hindi masama ang gumaya sa kung ano ang uso pero sana naman ay tingnan din muna natin kung bagay ba ito sa atin. Hindi naman ibig sbihin na pagginaya ng Pilipinasang K-pop ay sisikat na din ang mga awiting Pilipino.
Maraming usap-usapan na unti-unting namamatay o natatabunan ang mga OPM songs dahil sa pagdating ng K-pop sa bansa. Pero hindi naman tunay na namamatay ang OPM dahil habang mayroong mga Pilipinong mangangawit, nagmamahal at nagpapahalaga sa mga awiting Pinoy, hindi ito kailanman man mamatay. Ayon sa OPM artist na si Jim Paredes, ang paraan na ginagawa ng Korea para ipalaganap ang kanilang musika ay maaaring maging modelo ng Pilipinas para maibangon ang OPM. Maaaring maging modelo pero hindi gayahin. Katulad na lang ang ginagawa ni Juris Fernandez na gumagawa ng pangalan sa Korea. Gumawa siya ng isang album na ang mga laman ay puro K-pop songs na binigyan niya ng sarili niyang interpretation. Ilan sa mga kantang kasama sa album niya ay ang kantang If na pinasikat ni Kim Taeyeon na miyembro ng Girls’ Generation at ng awiting Don’t Forget ni Baek Jiyoung. Isa lang itong patunay na hindi nating kailangang gayahin ang lahat ng ginagawa ng mga K-pop artist, ang sumayaw habang nakanta, ang magpakulay ng buhok at magsuot ng magagarang damit. Kung gusto nating makilala ng buong mundo ang ating mga awitin, iwasan natin ang maging anino ng ibang bansa.
Sinabi pa ni Jim sa panayam ni Rida Reyes sa Balitanghali, “Korean singing Korean, Chinese singing Chinese... tayo lang ang hindi ganun. Mobilize Filipino who speaks Filipino to the world.” Ito maaari ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng P-Pop sa ating bansa para itaguyod ang mga awiting Pinoy.
Ano man ang mangyari hindi na maaalis ang kulturang K-pop sa ating bansa lalo na ngayong lalong lumalakas ang impluwensya nila sa buong mundo. Patuloy na mamamayagpag  ang K-pop sa ating bansa dahil patuloy ang pagsuporta ng mga Pilipino dito. Kung ako ang tatanungin kung ano ba talaga ang unang dahilan kung bakit patuloy na sinusuportahan ng mga Pilipino at naging popular ang K-pop ay dahil sa mga naggagandahan at naggagwapuhang mga K-pop group na kanilang iniidolo. Kasi ako aminado ako na kaya ko patuloy na tinatangkilik at sinusuportahan ang K-pop ay dahil sa mga idolo ko. Siguro kung wala sila malaki ang posibilidad na hindi ako isang K-pop fan.